March 18, 2006

Mi Abuelo

Madalas ako ang tiga-gupit ng kuko ng lolo ko. Dahil matanda na siya at mahina na ang mga buto, hindi na niya kayang gumamit ng nail-cutter o yumuko para abutin ang sariling paa. At dahil ang kuko at ang paa ay ilan sa mga pinakamaduduming parte ng katawan ng tao, masasabi kong isang pagsubok ang trabahong iniatas sa akin.

Makapal, nangingitim at manilaw-nilaw na ang mga kuko ng lolo ko. Halos ayaw nang kumagat ng nail-cutter sa tigas, at tila nag-calcify na ang mga ito sa katandaan. Subalit sa kabila nito, isa-isa ko pa ring hinahawakan ang kanyang mga daliri at isa-isa itong nililinis na parang mamahaling dyamante. Walang pandidiri, walang halong kaartehan dahil sa mga daliri niya nakikita ko ang siyamnapu’t tatlong taon ng pagsisikap, paghihirap, kalungkutan at kaligayahan, at pagmamahal.

Hindi perpekto ang lolo ko. Naninigarilyo, minsan mapagmataas, kulang sa pag-unawa, at matigas ang ulo. Pero lahat naman ay may kahinaan, hindi ba? Ayun nga lamang, mahirap nang baguhin ang ilang mga bagay kapag ito’y nakaliakihan na. Kaya ngayong 93 na siya, bitbit pa rin niya ang kanyang bisyo at kapaitan ng ugali.

Ngunit ganoon pa man, isa siyang mabuting ama sa kanyang mga anak, at tapat na asawa sa aking lola. Ang kuwento nga sa aming mga apo, ipinaglaban niya ang pag-ibig niya sa lola ko sa kabila ng kagustuhan ng karamihan. At kahit na maraming tukso sa probinsya nila noong panahon, ni minsan ay hindi niya pinagtaksilan ang kanyang asawa at limang anak.

Hanggang sa pagpanaw ng lola ko halos sampung taon na ang lumipas, napatunayan kong mahal na mahal talaga siya ni lolo. Taon-taon ay umuuwi siya sa Pilipinas para bisitahin ang kanyang puntod, at hindi kalian pa man dumapo sa kanyang isipan ang mag-asawa ng iba.

Mahal ko ang lolo ko, at utang ko sa kanya kung bakit ako nabubuhay ngayon. Hindi ko man masabi dahil may kahinaan na ang kanyang pandinig, ipinaparating ko sa kanya sa pamamagitan ng paggupit ng kanyang mga kuko. Simpleng gawain, subalit malalim ang kahulugan.

Sana’y nararamdaman niya.